Lila (O ang Pagkasakdal ng berdugo ng Mindoro)
Gusto ko sanang
Mapanood ang iyong paglaki.
Ang paghaba ng iyong mga daliri’t,
Pagtatag ng damdamin.
Biyayaan mo kami
Ng ‘yong unang unang kilig
Ng ‘yong unang halik.
Biyayaan mo kami ng ‘yong unang hikbi
At galit
Na lalamon
Sa buong himpapawid.
Mga walanghiya kayo.
Kayong mga buwitre
May dugo sa kabukiran
At kayo ang nag-dilig.
Mga walanghiya kayo.
Bawat isa sa inyo’y
‘di n’ya katumbas
Mga aso
Mga buwitre
Ng gahaman.
Gusto ko sanang
Mapanood ang ‘yong pelikula
Ang ‘yong buhay
Na dadaig
Sa lahat
Ng teleserye ng Maynila.
Walang artistang
Gaganda pa sa’yo
Anak ng putik
Na mas busilak
Pa sa ulap
Sa tuktok ng apo.
Mga walanghiya kayo.
‘wag n’yong lokohin
Ang mga sarili n’yo’t supling
Hindi karangalan
Ang mabansagang
Berdugo
Manghinayang ka, buwitre,
Ang ‘yong puso ang nagdadala
Ng mga bangungot ng ‘yong mga gawa
Kapag ika’y ‘di na lumuluha
Alam mong
sanla na rin ang ‘yong kaluluwa
Makinig ka, aso,
S’ya ang lumipas ngunit ikaw ang nagapi
S’ya’y halimuyak
Ng isang libong rosas
Liwanag
Ng daang-daang pagsikat
At ikaw,
Ikaw, buwitre,
Ay ‘sing bigat lamang
Ng ‘yong tansong palamuti’t sinayang na buhay
Walang luluha
Sa’yong pagpanaw
Kapwa mo aso
Lang ang dadalaw
At wala kang iiwang tanda
Kundi ang ‘yong bansag
Kahiya-hiya,
berdugo.